top of page
Ang Paghubog ni Emerita Quito ng mga Konspetong Pilosopikal sa Filipino
Sa kanyang akdang pinamagatang “Ang Pilosopiya sa Diwang Pilipino” (1972) pinalalim ni Emerita Quito ang pakakahulugan ng iba’t-ibang katutubong salita at pinalawak ang mga ito bilang mga pilosopikal na konsepto. Pinakahulugan ni Quito ang Pilosopiya sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng karunungan, ng kaugnayan ng relihiyon at Pilosopiya, at ng kalikasan. Ang salitang “pilosopiya” na nagmula sa pinagsanib na mga salitang Griyego na “filos” at “sofia” ay nangangahulugang “mangingibig ng karunungan.” Pinalalim ni Quito ang pakakahulugan sa salitang “karunungan” sa pamamagitan ng iba’t-ibang pagsasalarawan kung ano ang marunong:
 
"Ang isang tagapagluto ay nalalaman na ang apoy ay nakasusunog at nakaluluto ng pagkain, nguni’t hindi niya alam kung ano ang kakanyahan (essence) nito. Ang isang albularyo ay nalalaman na ang isang uri ng dahon ay pinagagaling ang isang sugat, ngunit hindi niya alam ang kaarian (property) nito at kung bakit nagpapagaling ng mga sugat. Ang isang manggagamot, sa kabilang dako, ay nag-aaral at alam niya kung bakit nagpapagaling ang mga ito ng sugat."

Kanyang napagtanto na taong marunong ay taong nakakaalam sa mga bakit ng mga bagay. Isinalarawan niya ang karunungan bilang: "Karunungan = Kaalaman + Bakit"

Sa pag-uusisa sa mga salitang “karunungan”, “kaalaman”, at “bakit” sa pamamagitan ng pagsasalarawan ay napalawak ang pakakahulugan ng mga ito bilang mga pilosopikong konsepto. Sa kanyang pagpapaliwanag ng karunungan ay nabigyang diin niya ang kaibahan nito sa payak na kaalaman at sa pagbibigay niyang diin sa kaibahan ng dalawa ay pinalawak niya ang pakakahulugan sa salitang bakit. Batay sa binigay niyang mga larawan, ang tanong na bakit ay maaaring tumukoy sa kakanyahan at kaarian ng isang bagay. Ang bakit ang sanhi ng mga bagay. Lalo pa niyang pinalawak ang pakakahulugan sa bakit sa pakakahulugan niya ng “kalikasan.” Ani Quito, “ang tanong na bakit ay nakabatay sa kalikasan, sa kakanyahan.” Kung tatanungin bakit nakasusunog at nakakapagluto ng pagkain ang apoy maaari itong sagutin batay sa pakakahulugan ng bakit bilang sanhi ng bagay na nakabatay sa kalikasan nito. Samakatuwid, ang kakanyahan ng apoy ay ang sanhi ng kalikasan nitong makasunog at makapagluto ng pagkain.

Samantala ang pilosopo o ang “mangingibig ng karunungan” ay “sinasaliksik o tinatangkang saliksikan ang pinakahuli o wakas na bakit.” Isa pang konsepto ang pinakahuling bakit. Kung ang bakit ang sanhi ng bagay na nakabatay sa kalikasan nito ay maaaring ipagpalagay na ang pinakahuling bakit ay ang simulain ng mga bagay.
Layunin ni Quito na pakatuturan ang kaugnayan ng pilosopiya at buhay at pinakahulugan niya ang kaugnayan ng karunungan at bakit sa buhay ng tao. Sa pag-alam sa bakit ng tao ay matutukoy ang kanyang kalikasan at kakanyahan at sa pagtukoy ng mga ito ay masasagot ang bakit ng pagka-riyan (existence) ng tao. Ani niya, “ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.” Ang pagsagot sa bakit ng tao ay napakakahulugan ang sanhi, ang simulain ng gawain natin. Hindi maitatanggi ang kabuluhan ng pakatuturan ang kaugnayan ng mga pilosopikal na konsepto na mga ito sa buhay ng tao bagamat maliwanag na ito ay impluwensya ng diwang Kristiyano. Sa pakakahulugan pa lamang ng karunungan ay naiangat na ni Quito ang antas ng wikang Filipino kasabay ng antas ng pag-iisip-Pilipino sa pamamagitan nang pag-uusisa sa mga salita upang palawakin ang mga kahulugan nito.

Ang huling pilosopikal na ideya ni Quito na tatalakayin nitong papel ay ang ideya niya ng tao. Ani niya, masusuri at malalaman ng tao ang kanyang sariling kakanyahan sa pamamagitan ng kanyang kamalayan (consciousness), damdamin, pagdama sa kanyang kamalayan sa sarili. Ang kalikasan daw ng tao na tumutukoy sa mga katangian na taglay ng lahat tao ay kinabibilangan ng kanyang katawan, buhay, pagdama, pag-iisip, at kalayaan. Binigyang diin ni Quito ang kaibahan ng nag-iisip sa pag-iisip. Lahat daw ng tao ay may kakayahang umisip ngunit hindi lahat ay nag-iisip. Maituturing pa rin daw na tao ang mga taong hindi nag-iisip dahil taglay pa rin nila ang kakayahan na ito bagamat hindi nila ito ginagamit.
 
Ipinaliwanag din ni Quito ang konsepto ng kaluluwa. Sa pagpapaliwanag niya sa kaluluwa ay napagtanto niya na ang tao ay hindi lamang laman kungdi may bahagi ring espiritwal. Ang kaluluwa ng tao ang kanyang bahaging espiritwal. Ang kakayahan ng taong magbigay katuturan sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pag-iisip ang katibayan ng kanyang bahaging espiritwal.

Ang pag-iisip ang siyang bahaging espiritwal ng tao, ito ay kapangyarihang walang anyo at walang kasangkapan. Hindi maaaring panggalingan ng pag-iisip ang utak. Lahat ng hayop ay may utak ngunit wala sa kanilang ang kakayahan ng pag-iisip. Ayon kay Quito, ang katibayan ng pag-iisip ay ang pag-unlad sa pamamagitan ng pagsubok. Ang tao sa agos ng kasaysayan ay patuloy ang pag-unlad samantalang ang mga hayop ay hindi umuunlad.

Ang buhay ng tao ay may kaugnayan sa kanyang kaluluwa. Ginamit ni Quito ang kaluluwa bilang katibayan ng kabilang buhay. Namamatay ang katawan ng tao kaya naman ang katutuan niya ay nakasalalay sa kapangyarihan ng kanyang kaluluwa na manatila sa kabilang buhay. Ang kanyang bahaging espiritwal ang batayan ng kanyang tanong na “Bakit?” Pinalawak pa lalo ni Quito ang pagpapaliwanag sa kaluluwa at kabilang buhay sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t-ibang mga pilosopiya ngunit hindi na rito tatalakayin dahil sapat na ang mga nabanggit na paliwanag ni Quito hinggil dito upang maipakita ang pagpapalalim at pagpapalawak ng pakakahulugan ni Quito sa salitang “kaluluwa.”

Sa kanyang aklat ay nakagawa si Quito ng sistematikong pag-aaral ng kanyang mga piniling pilosopikong paksa na nagbunga ng mga pilosopikal na konsepto at termino gaya ng karunungan, bakit, tao, kaluluwa, at kalayaan na maaaring gamitin muli (replicate) sa iba pang pilosopikong pag-aaral.
Sanggunian
Quito, Emerita. Ang Pilosopiya sa Diwang Pilipino. 1972. United Publishing Co., Inc.
Written in 2017.

bottom of page